Monday, June 28, 2010

Pera

Pera. Pera ang sanhi ng kalakhan ng suliranin sa paligid: kawalan/kakulangan ng edukasyon, kawalan ng tirahan, kakulangan sa pananamit, pagkagutom -- na sya ring sanhi ng talamak na krimeng nagkalat sa kahit saang dako ng bansa. Pinakamalala, ng mundo.

Ilang araw na akong tinatawagan ng aking ina. Pilit nyang iniaalok ang trabahong gustong ibigay sa akin ng isa sa mga pinsan ko. P18,000 ang sahod kada buwan, bilang call center agent. Magandang oportunidad kung tutuusin. Uupo ka lang at sasagot ng tawag, presto! May labinwalonlibompiso ka na agad.

Sa ilang beses na pagtawag na 'yon ng aking ina, ilang beses ko rin syang tinanggihan. Umaabot sa puntong nagkakasagutan kami, nagkakataasan ng tono. Kasabay ng mga pagkakainitang iyon ay ang paulit-ulit kong pagpapaliwanag kung bakit ayokong iwan ang trabahong meron ako ngayon... na alam kong naiintindihan nya. Kakalma ang usapan, mapupunta sa kamustahan. Pero ilang araw ang lilipas, nandyan na naman ang tawag.

Pera. Pera ang sanhi ng pangungulit ng aking ina na tanggapin na ang alok ng aking pinsan. May bahay kaming binabayaran, tubig, kuryente, pagkain sa araw-araw, pamasahe at baon ng dalawa kong kapatid, atbp... at wala itong ipinagkaiba sa suliranin ng mga pamilyang payak lang din ang pamumuhay. Naiintindihan ko naman. Alam ko 'yon. Hindi ako bulag para hindi ko makita ang kalagayan ng aming pamilya ngayon -- kalagayan matapos maghiwalay ang aking mga magulang noong nakaraang buwan lang.

Bakit nga ba hindi ko pa tanggapin ang trabahong 'yon nang matapos na ang pangungulit ng aking ina? Bakit nga ba hindi ko pa kagatin ang libu-libong piso na 'yon kada buwan nang makaluwag-luwag na ang aking pamilya?

Bayan. Bayan ang mas gusto kong paglingkuran kaysa sa mga naglalakihang kompanyang humahawak sa leeg ng mga manggagawa. Bayan ang mas gusto kong kausap kaysa sa mga dayuhang gumagamit ng mga banyagang salita. Tawag ng bayan ang mas gusto kong sagutin kaysa sa tawag ng mga dayuhan. Malalim na suliranin ng bayan ang mas gusto kong pakinggan at solusyonan kaysa sa mabababaw na problema ng mga dayuhang kliyente.

Labin-walong libong piso kada buwan, habang ika'y empleyado ng banyagang kompanyang pinasukan mo. Hanggang kailan mo kailangan ng matitirahan? Hanggang kailan mo kailangang manamit? Hanggang kailan mo kailangang kumain? Ang sagot: Habambuhay. Tanong pa: Hanggang kelan ka naman kaya yayakapin ng banyagang kompanyang nag-eempleyo sa'yo? Sagot: Hindi habambuhay.

Aasa na lang ba tayo sa mga hanapbuhay na inilalako ng mga kompanyang primaridad na pinanghahawakan ng mga dayuhan? Isusubo na lang ba natin ang mga trabahong nasa gintong kutsara ng mga banyaga? Panawagan ko: Magtanim tayo.

Labin-walong libong piso kada buwan para sa kaginhawaang makakamit ng aking pamilya. Hindi na namin poproblemahin ang bahay na aming titirahan. Magkakaron kami ng masasarap ng pagkain sa aming hapag-kainan. Makakabili kami ng mga damit at gamit. Magiging masaya ang pamumuhay ng aming pamilya sa loob ng tirahang may kumpletong pasilidad. Napakasarap sa pandinig. Nakakagalak. Nakakataba ng puso.

Mga kapwa mamamayang walang masilungan, walang maayos na pananamit, wala halos makain... ito ang sasalubong sa akin paglabas ko ng bahay. Maganda ba sa paningin? Nakakagalak? Nakakataba ng puso? Mag-isip tayo.

Oo, hindi na uso ang pagpapakabayani sa mga panahong 'to. Marami nang kumwestiyon sa biglaang pagpapalit ng pananaw kong 'to. Marami na ring nag-alok sa akin ng monumento, isama nyo na ang tatay ko. Salamat, salamat... pero hindi monumento ang kailangan ko. Pagbabago. Kung iisa-isahin ko ang mga pagbabagong 'yon, hindi matatapos ang akdang ito. Hindi naman na lingid sa ating mga kaalaman ang umaapaw na suliranin ng ating sistema.

Sabi nga nila, kung gusto mo ng pagbabago, simulan mo 'yon sa sarili mo. Gusto ko ng pagbabago, kaya ako nagbago. Di pa man ganun kalaki ang naiaambag ko para baguhin ang sistemang umiiral, naniniwala akong sa pamamagitan ng pagsisimula kong 'to, makakamit din natin ang pagbabagong ninanais ng lahat.

Hindi ko ipagbibili sa halagang labin-walong libong piso kada buwan ang pagnanais kong makatulong sa nakararami. Hindi ko iniiwan ang pamilya ko. Isanasama ko lang ang pagsasaalang-alang sa marami.

No comments: