Friday, May 28, 2010

Bakit Late Na Ako Lagi Natutulog?

Ako ang taong very conscious pagdating sa oras ng pagtulog. Actually, hindi naman sa oras, kundi sa kung kumpleto ba ang magiging pagtulog ko.

Very strict ako sa sleeping habit ko. Dapat 8hrs talaga ang tulog ko.. or more. Pag kulang, iritable ako. Lalo na kung halos walang tulog.. and worst, kung walang tulog. Pero bakit nga late na ako lagi natutulog ngayon? Hmmmm…


Mahirap kasi mag-isa dito sa opis. Nakakabingi ang katahimikan. Nakakabaliw ang pag-iisa. ‘Yong mga unang araw nga ng pagtulog ko dito, matinding struggle talaga. Nandyan na ung nakaupo ka lang sa isang sulok, nakatingin sa pintuan, hindi makakilos, at hindi makalingon. Nagtatapang-tapangan lang kasi ako talaga. Ikaw ba naman kwentuhan ng mga nakikita/naririnig/nararamdaman nila (interns/volunteers) sa opis, hindi ka ba naman mapapaisip kahit papano. Ganun ang naging kalakaran ko tuwing maiiwan akong mag-isa dito. Sa totoo lang, pag sinusumpong ako ng matinding kaduwagan, umuuwi pa ako sa Parañaque ng di-oras.

Naaalala ko pa, nung minsang pauwi ako dito sa opis. Gabi na, at ngarag na ‘ko matapos ang isa na namang buong araw. Tinext ko si Leon nun na tawagan ako pagdating ko sa opis, kasi may iko-konsulta ako sa kanya. Pagdating ko ng opis, dumiretso agad ako sa admin room, kung saan naroon ung landline phone. Sa hindi ko malamang dahilan, ayaw bumukas ng ilaw sa kwartong ‘yon. Hindi tuloy ako makapasok.. alam nyo na. Nagsimula akong matakot. Tumuloy ako sa conference room.. binuksan ko ang ilaw, naupo sa harap ng lamesa malapit sa white board, at tinext si Leon na sa cellphone ko na lang sya tumawag (dahil wala na akong pantawag). Ang sabi ko pa nga sa kanya, loadan nya na lang ako para ako na lang ang tatawag, kaso tamad namang lumabas ng bahay ‘yong isa.. at late na rin daw kasi, kaya baka wala na ring bukas na tindahan. Tinext ko nun si Ate Mabel. Tinanong ko kung anong problema ng ilaw sa admin room. Maya-maya, nag-ring ang telepono. Hindi ako kumilos sa kinauupuan ko nun, dahil wala akong tapang na suungin ang kadiliman ng kabilang kwarto, at sagutin ang tawag. Matapos ang ring, may natanggap akong text, galing kay Ate Mabel. Sya pala ung tumatawag. ‘Yong ilaw, hindi nya rin daw mapasindi.. mula pa nung hapon. So cleared, technical ang problema. Nagtext si Leon. Buksan ko na lang daw ung lampshade ni Ate Mabel sa admin room.. na sinagot ko naman agad ng “ayoko”. Maya-maya pa, nag-ring na ang cellphone ko. Si Leon, tumatawag. Bungad nya sakin ang pang-aasar.. sya kasi, hindi naniniwala sa mga ganun. Actually, hindi pa sya nakuntento: “Sana dalawin ka rin nung bata sa CEC. :D”, na naging dahilan ng paghagulgol ko habang kausap sya. Naubos ang oras sa pagpapakalma ko (at nya) kay mondz. Wala rin, hindi ko rin nai-konsulta ung iko-konsulta ko dapat (na dahilan kung bakit ako nagpatawag). Napaka-sadista. Walang awa, hmp.

Naisip ko, hindi pwedeng ganun ng ganun. Since wala akong pera para magpabalik-balik ng QC-Parañaque, kelangan kong masolusyunan ang problema ko (problemang kung tutuusin ay napaka-childish, pero big deal talaga sa’kin).Tiniis ko ang parusa ng kakulangan sa katapangan. Lahat na ata ng happy moments binabalikan ko. Minsan nga pati kilig moments pa, ma-divert lang ang paranoid kong utak. Hindi ako nagdadasal, kasi nakakaramdam ako ng takot pag ganun.. hindi ko alam kung bakit.

Dalawa, tatlo, apat na beses na pag-iisa ko dito sa opis.. nasanay na lang ako. “Sinong matutulog sa opis?”, tanong ni Dadi Nyork kagabi nung pauwi na kami nila Ate Mabel matapos ang Talakayan sa Kubo. “Ako po.Ü”, nakangiti sagot ko. “Hindi ka natatakot?”, naka-ngising tanong nya. “Pinatibay na ‘ko ng panahon!Ü Security and Ghost threats, na-overcome ko na ata! :D”, sagot ko matapos tumawa.. na siya rin namang tinawanan nila.

Hindi tulad noon na nasusugatan ako kakamadali sa pagbukas ng gate sa pag-iisip na baka may tumapik sa kamay ko galing sa loob, kalmado ko nang nailulusot ang kamay ko sa butas ng gate para i-unlock ang kandado. Malaya na rin akong nakakapaglakad-lakad sa buong bahay na hindi iniisip ang paglitaw ng kung anuman kasabay ng paglingon ko. Siguro nga, nasanay na talaga ako.

Ang problema ko na lang ngayon, hindi ko magawang matulong ng maaga. Tuwing ipipikit ko na kasi ang mga mata ko, kung anu-ano ang pumapasok sa isip ko. At ayoko nun. Ang solusyon: magpaantok. Magpaantok ng bonggang bongga. Ung tipong papagurin mo ang mga mata mo, hanggang sa hindi na nito kayanin ang bigat kaya hindi mo na mapigilang pumikit. Computer (si Swivel actually) lang ang nakakatulong sa’kin, wala naman kasing TV dito. Pag ganun, ilang minuto lang mahimbing na agad ang tulog ko. Mga alas dose ng hatinggabi ako dinadalaw ni kaibigang antok. Minsan nga ala una pasado pa o alas dos, pag minalas-malas. Wala akong magawa eh. Hindi talaga ako makatulog pag ipipikit ko lang basta-basta ang mga mata ko.

Mahirap. Lalo na’t opisina ‘tong lugar na kailangang naka-setup na ang lahat pagpatak ng alas nwebe ng umaga bilang pagsisimula ng office hour. Kelangan ko lagi gumising ng 7:30am (maximum na ‘yon) dahil mabagal akong kumilos.. kaya kelangan ko nang mahabang panahon para sa pagliligpit ng hinigaan, paghanda ng makakain, pagligo, at pag-aayos ng paligid. Obviously hindi ko na ma-spoil ang sarili ko ng kumpletong tulog. Haaaay.

Oh pano, hanggang sa muli!
Salamat sa oras mo.